hindi ito banyaga, ito’y para sa ating mga pinoy, pilipino ang wika.
Hindi ko pa pwede sabihin ang pamagat kasi lihim pa (confidential).
Sa akin lahat ang art, (lapis, tinta at kulay),
Isa lang ang tumbok ng komiks...Pilipino Komiks, Para sa Pilipinas!
Bentahe sa akin ang ganito
kasi sa simula’t simula pa na magkomiks ako
ay pilipino komiks na ang tinitingnan ko.
Kumbaga nakaugat ang paraan ng pagguhit ko sa pilipino komiks.
(Guhit ko ito nung nagsisimula pa lang ako.)

Ang mga komiks artist na talagang naabutan ko
at kinamulatan, mga third generation na.
Ang sinasabi ko ay sina Mar Santana,
Hal Santiago, Lan Medina, Clem Rivera,
Steve Gan, Cal SobrepeƱa, Noly Zamora
Joey Otacan, Toti Cerda at marami pa.
Sila man ay may mga sinundang “Kultura sa pagguhit”
Yan ay yung mga nauna sa kanila at kilala nyo na marahil
kung sino ang aking tinutukoy.


Ang mga ganitong estilo ng art ang kumiliti sa akin
upang humanay ako sa mga pilipinong mangguguhit
at maging kaisa nila. Ilan lang sila
sa mga naging inspirasyon ko at maaring
nakaimpluwensiya na rin.
Gayunpaman napahanga rin ako ng ibang lahi
katulad ni Katsuhiro Otomo, Hiroaki Samura,
at Hayao Miyazaki ay ilan lang sa mga hapones artist.
Ang iba pa ay sina Joe Quesada, Andy Kubert,
Joe Madureira, Travis Charest, John Paul Leon
at iba pang mga amerikano at latinong artist.
At masasabi kong kakaiba ang style nila.
Hindi maiaalis na may impluwensiya rin silang dulot sa ‘kin
At dahil sa kanila ayokong mangamba na ang kultura
na aking sinusundan sa pagguhit ay naglalaho na.



Kaya po ipinost ito gusto ko pong makakuha ng puna.
bagaman isang pahina lang ito.
Kung huhusgahan mo ito... may mababakas pa ba...
o gaano kapinoy ang artstyle na ‘to?
Ano pa ang kulang? o tama lang ba?
Syempre hindi ako kasing husay nina Whilce,
Leinil, Gerry, Anacleto, Carlo Pagulayan.
Sila’y nasa ibang antas. At ibang usapan na yon.
Para sa akin lang kasi na isang tunay na pilipino
Isang mahalagang bagay na mapagpahalagahan
ang pilipinong paraan ng pagguhit ng pilipino komiks.
Ang mga Hapon ay isang magandang halimbawa
na sa bawat estilo ng pagguhit nila mababakas mo
ang kanilang kulturaat sa pananaw ko sa ngayon
yan ang sa atin ay nawawala na.
Masasabi mo bang tunay na pilipino komiks na to?
Maaaring sabihin nating nagbabago ang estilo ng pinoy sa pagguhit,
pero dapat nakaugat pa rin sa Kulturang Pilipino.